PARA KAY B: Book Review
Paumanhin: maglalaman ng ilang spoilers, read at your own risk.
Sa gitna ng napakaraming paulit- ulit na plot formula at nakakasawang klase ng mga characters ng mga nobelang nabasa ko, iilan lang ang ginawan ko ng book review. Malamang kabaliktaran kaagad ng mga ito ang nirereview ko - mga librong may kakaibang kiliti sa kili- kili at utak at nanghahalukay ng mga emosyon sapat upang aking irekomenda sa pinakamaraming taong maaabot ko. Mapalad akong binilhan ng aking butihing fiancée, eksakto isang araw bago ang aking kaarawan (of which is today) ng librong ito, ang Para kay B ni Ricky Lee.
Hindi na bago ang pangalang Ricky Lee kung napanood mo na ang Himala, bumili ng Trip to Quiapo at nabasa mo na ang kanyang pulitikal na maikling kuwentong Kabilang sa mga Nawawala. Sa totoo lang, labis akong humahanga sa writing style niya, swabe ang bagsak pero mapaggiit ang mga ideya sa likod ng bawat linya. Ganoon din ang nakita ko sa Para kay B.
Ang nobela ay kalipunan ng limang istorya ng pag- ibig. Ayon na mismo sa pabalat pa lamang, sa limang taong iibig, isa lamang ang tunay na liligaya sa piling ng kanyang minamahal. Ang mga kuwento nina Irene, Sandra, Ester, Erica at Bessie ay mga kuwentong sumasapul sa halos lahat ng klase ng kuwentong pag-ibig. Tagos ang mga linya, tagpuan kahit na rin ang mga simpleng katotohanan hinggil sa mga pananaw ng tao sa pag-ibig. Dito makikita ang pagka- henyo ni Ricky Lee. Nagagawa niyang buhay ang mga karakter kahit na absurdo ang ilang tagpuan at pangyayari (katulad na lamang ng kuwento ni Erica). Pinaiisip ka rin niya sa pamamagitan ng paglalahad ng ilang mga kontradiksyon at pagpapaubaya sa mambabasa ng desisyon kung alin ang paniniwalaan, katulad na lamang ng sinabi ng isang karakter sa huli na wala naman talagang quota- quota sa pag-ibig subalit kung titingnang maigi ang kabuuan ng nobela, sa limang kuwento ng mga babae, isa nga lang talaga ang tunay na lumigaya.
Ang pagtatagni- tagni ng mga istorya ay nakakapagpanatili ng atensyon, kaya hindi mo talaga titigilan ang pagbabasa. Animo walang kinalaman subalit sa isang klimatikong bahagi ay bubuhos na lamang ng sabay- sabay ang mga naipong ideyang inilahad sa mga kuwento. Nakakatuwa rin ang tila pagsagot na rin ng awtor sa pamamagitan ng mga mismong karakter ng mga tanong, na maaaring pilosopo o maiisip sa kalagitnaan ng nobela. Katulad na lamang ng isang karakter na nagrereklamo sa kanyang istorya, linya at ending.
Lutang na lutang rin ang mga isyung pulitikal at kultural na nais ipaintindi ng awtor - na hindi maaaring ilayo ang mga kuwento ng pag-ibig patungo sa mga lugar na komportable, maglaman ng mga karakter na halos diyos at diyosa sa itsura o kaya ay magkaroon ng hindi mapipigilang happy ending kahit na nagkandaletse- letse na ang lahat. Ang mga imahe ng mga protesta, pampulitikang pamamaslang, kahirapan, gender inequality ay makikita lahat sa nobela.
Sa huli, ang mga kuwento ay hindi mapang-husga. Bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong isipin pagkatapos ninyong mabasa ang nobela. Sapagkat hindi lamang para kay B ang istorya kundi pati na rin kina C, D, E hanggang Z pabalik kay A - at sa lahat ng naniniwala sa happy ending, na sila'y isang Capital S at salitang pag- ibig.
0 comments:
Post a Comment