“Pacquiao Nationalism”

http://sports.yahoo.com



Katatapos lang ng dalawang rounds ng basag-ulo nina Ricky Hatton at Manny Pacquiao, kung saan mukhang nawasak ni Pacquiao ang panga ni Hatton at ang puso ng mga supporters nito.


Pero hindi ko ito isinusulat para magbigay ng aking boxing analysis dahil wala naman talaga akong balak na magsulat at pagkaabalahan pa ito (dahil malamang halos lahat pag-uusapan to ng halos isang linggo o higit pa). Napasulat ako dahil nabasa ko yung stat message ng isang friend sa facebook (si Will Mardo) nung hiniritan siya ng kuya niya na walang “sense of nationalism”, at dun sa sinabi sa Tito ko nang pumusta siya para kay Hatton (parang ‘di raw pinoy, ayon sa mga ito). Gusto ko lamang magbigay- komentaryo tungkol sa dalawang statement na ito.


Unang- una sa lahat, ang professional boxing na pinapanood nating lahat (sa pay-per-view man yan o sa local t.v. station) ay isang klase ng prize fighting. Sa mga katagang ito pa lamang, alam na kaagad natin ang motibasyon ng isang tao kapag isa siyang prize fighter – at yun ay ang lumaban para sa isang premyo, na kadalasa’y pera at pansariling karangalan.


Kung usapang Manny Pacquiao yan, hindi ko alam ang kanyang motibasyon, subalit masasabi kong hindi ang pagdadala ng karangalan sa bansa ang pangunahin sa listahan: dahil pwede ka namang sumali sa Olympics, na hindi naman nagpapapremyo ng milyones, kung karangalan ang gusto mo para sa bayan.


Tama bang sukatan ng pagiging makabayan ang hindi panonood ng laban niya? O kaya ay ang pagkampi kay Hatton, kung sa palagay mo ay siya ang mananalo?


So, pwede na pala akong maging makabayan nang nakaupo lamang? O kaya ay suutin ito, sa pamamagitan ng mga statement shirts o Pacquiao t- shirt? Nung huling tingin ko ginagawa rin ito ng mga dayuhang fans niya, anong pinagkaiba nun sa atin?


Makabayan ba ang mga kongresista nating naging dahilan ng postponement ng isang session ng mababang kapulungan dahil lumipad sila papuntang Las Vegas para panoorin si Manny Pacquiao? Makabayan ba si Gloria Arroyo kapag sinusuportahan niya si Pacquiao kahit na hindi man lang siya makapag-order ng wage increases para sa mga kababayan natin, dahil diumano’y malulugi ang mga dayuhang kumpanya?


Gusto ko si Pacquiao bilang boksingero at hindi dahil sa Pinoy din ako. Sinuportahan ko siya laban kay Hatton dahil na rin sa kanyang galing sa larong ito. Pero kapag nakikita ko ang mga pulitikong nakapaligid sa kaniya, na animo mga lobong nagkakandarapa sa isang pirasong karne, bago at pagkatapos ng laban, idagdag pa na malapit na namang mag- eleksyon, eh napapaisip ako kung gusto ko rin ba siya bilang kapwa Pilipino.


P.S. matanong ko lang: na- postpone din ba ang isang session ng UK parliament para kay Hatton? Paging Speaker Nograles!!!

And Anooooother Ooooooone!!!


YEP, THAT'S HER PRAYER....

Pacquiao- Hatton Fever, AH1N1 Virus at Iba Pang Sakit

Okay, ngayong panahong ito, ililista ko lang ang mga sakit na puwede nating makuha, kasama na ang sintomas at posibleng lunas:



http://www.crdoc.com/images/services/1228799813flu.jpg


  1. Influenza (dahil sa mabilis na pagbabago ng panahon)

Sintomas: ubo, sipon, lagnat, muscle ache, joint pains, sore throat


Gamot: Pahinga, maraming tubig at kung uubra sa iyo, Bioflu (di ako nag- aadvertise ha?)




http://blog.cleveland.com/world_impact/2009/04/large_Mexico-City-swine-flu-Apr26-09.jpg


  1. A(H1N1) Flu Virus

Sintomas: ubo, sipon, lagnat, muscle ache, sore throat, pagsusuka, diarrhea, respiratory illness na walang lagnat


Gamot: wala pang ispesipiko, subalit ang karaniwang treatment program para sa influenza ang

ginagamit. Pagtatakip ng bibig pag babahing, paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa matataong lugar ang kailangan.





http://www.cealagar.com/wp-content/uploads/2008/12/watch-manny-pacquiao-ricky-hatton-boxing-online-live-streaming-free.jpg


  1. Pacquiao- Hatton Fever

Sintomas: walang ibang masabing event at gagawin para bukas(kahit pagligo) kundi “Pacquiao-Hatton”, ipagpapaliban ang pagsisimba para makapanood ng laban sa Gateway, may sudden urge na magshadow- box na animo siya ang lalaban bukas, abang ng abang sa internet ng news ng laban, at sa mga espesyal na kaso: mag- delay ng session ng paglikha ng batas para lang makapanood sa las vegas (balik niyo tax money nameeen!).


Gamot: Putulin ang kuryente bukas; umiwas din sa matataong lugar dahil tiyak na ito lang ang topic; magtago sa ilalim ng bato ng isang buwan dahil mukhang isang buwan din itong pag-uusapan o higit pa. Lalo pa at *ahem*elek-syuun*ubo* (nakow, AH1N1 na ata ‘to). Kahit ‘di boxing analyst magkokomento, panigurado.




http://cache.daylife.com/imageserve/05hGfXOg89c3V/610x.jpg


  1. Cha-Cha Virus

Sintomas: pagpipilit na baguhin ang konstitusyon para sa pansariling interes; pagsusubo sa mamamayan ng malinaw na ayaw nila; may urge na payagan ang mga Transnational and Multinational companies na magmay- ari ng lupa ng Pilipinas ng buung-buo samantalang kapwa Pilipino ay hindi mabigyan ng lupa; at pagnanais na mag-extend ng termino para lalo pang makapangdambong.


Gamot: isipin ang mamamayan, umalis sa puwesto o mapatalsik sa puwesto. Isulong ang interes ng lahat ng sektor kaysa pansariling ambisyon. Para sa maglalapat ng lunas, kabaliktaran ng mga influenza viruses, pumunta sa mga matataong lugar at kaganapan katulad ng teach-in, forum, protesta at rally.


Wilmyr Parpana Paradero (1988- 2009)

si Wilmyr at ang kanyang paraiso...


Para Kay Wilmyr

Sa ating bawat pagtulog,
humihiga tayo dala ang sakit,
pait at sayang natamo
sa buong hapon ng pagpapagal,
paglaban at pagkapit para sa ating mga buhay.

Ibibigay ng unan, kumot at katre
ang pahingang nais ng kalamnan;
at ibibigay sa atin ng gabi,
ang mga panaginip na pansamantalang
maghihilom ng mga nagnanaknak na sugat
ng ating mga kalooban.

At bukas babangon tayo,
may lakas sa binti, talas sa isip
at buhay na damdaming
nagnanais na tayo ay sumulong
sa kabila ng marahas na mga daluyong.

Subalit sa iyong pagtulog,
ipinagkait sa iyo ng gabi
ang pagkakataong magmulat
ng mga matang nakapagpahinga,
at mga binting handang maglakad,
tadyakan ang anumang haharang sa pangarap mo.

At kaming mga naiwan mo,
nagtatanong, naghahanap
bakit ikaw pa?
Samantalang sa hardin ng buhay,
napakaraming ligaw na mga damo!
Bakit isang ubod pa lamang
ang napiling bunutin ng mapaglarong
mga kamay ng kamatayan?

Ngunit huwag kang mag-alala,
ang alaalang iniwan mo
ay hindi lamang nagmarka sa gunita
kundi pati na rin sa aming
mga pagal na katawang
nakadaupang-palad, nahagkan,
nakasama mo at nakitawa sa iyo.

Kasama namin
ang lahat ng naging iyo at amin.
At sa tuwing sasagi ka sa aming isip,
Dala namin ang panalanging
sa pagtulog mo
ay iyong nakamulatan
ang hinahanap mong paraiso.

-------------------------------------------------------------------------------------------------

Magpahanggang- ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa balitang nabasa ko. Tinext lang ako ni Bry, sa parehong number ng dual sim ko na fone - patay na raw si wilmyr...

Tiningnan ko sa isa ko pang inbox, medyo umaasa na iba ang nakasulat, pero ganoon pa rin ang nakalagay, nakasulat sa mga letrang 'di man lang alam ang hatid nilang mensahe - patay na raw si wilmyr...

Nung nakaraang dalawang sem ay naging kaklase ko pa si Wilmyr. Sa totoo lang, hindi siya ang tipong bigla na lang aagawin ng dilim sa kanyang pagtulog. Si Wilmyr ay malusog at puno ng enerhiyang tumatawa pa sa ilang mga biro ko. Ito ang Wilmyr na naaalala ko.

Pero nung gabing ako ay nagsasaya ng aking kaarawan, si Wilmyr naman ay nakikipambuno kay Kamatayan sa kanyang tulog. Kaya hindi ko maiwasang malungkot ng todo, dahil hindi inaasahan ang pagkawala niya. Sabi ko nga sa kanyang Facebook profile, ang pakiramdam ko ay nanakawan. Nanakawan ng isang kaklase at kaibigan. Ang masakit pa, ang magnanakaw na ito ay siya ring kakaharapin ko balang-araw at dapat din sana ni Wilmyr, ngunit ang balang- araw ni Wilmyr ay biglang naging kinagabihan sa akin.

Tsong, salamat sa lahat. Kahit na hindi tayo masyadong nagkakilala ng matagal, alam ko, na nasa mas komportableng lugar ka na ngayon. Dangan nga lamang, eh hindi mo na mararanasang muli ang mag-type ng paper para kay Ma'am Baylon, ma-late sa klase ni Sir Saguil o magpakapuyat para sa thesis. At alam kong hindi ka naiinggit na mararanasan namin ang mga ito, hehehehe... (uy nakatawa na yan!) Pero alam ko ang kinaiinggitan mo eh yung mga magagandang bagay na maaari pa sanang mangyari sa buhay mo. Huwag kang mag- alala, ikukuwento ko sa iyo 'pag dumating na ang balang- araw ko. Sagot ko na ang gin, 'kaw na bahala sa pulutan.

Para kay Wilmyr - anak, kapatid, kaibigan at lingkod bayan mula sa National College of Public Administration and Governance.

Kailan ba mamamatay ang isang tao? Kapag nalason siya o nalagutan ng hininga? Mamatay lamang ang isang tao kapag nakalimutan na siya ng iba... - One Piece, Filipino Dubbed




Para kay B, C, D to Z pabalik kay A


PARA KAY B: Book Review
Paumanhin: maglalaman ng ilang spoilers, read at your own risk.

Sa gitna ng napakaraming paulit- ulit na plot formula at nakakasawang klase ng mga characters ng mga nobelang nabasa ko, iilan lang ang ginawan ko ng book review. Malamang kabaliktaran kaagad ng mga ito ang nirereview ko - mga librong may kakaibang kiliti sa kili- kili at utak at nanghahalukay ng mga emosyon sapat upang aking irekomenda sa pinakamaraming taong maaabot ko. Mapalad akong binilhan ng aking butihing fiancée, eksakto isang araw bago ang aking kaarawan (of which is today) ng librong ito, ang Para kay B ni Ricky Lee.

Hindi na bago ang pangalang Ricky Lee kung napanood mo na ang Himala, bumili ng Trip to Quiapo at nabasa mo na ang kanyang pulitikal na maikling kuwentong Kabilang sa mga Nawawala. Sa totoo lang, labis akong humahanga sa writing style niya, swabe ang bagsak pero mapaggiit ang mga ideya sa likod ng bawat linya. Ganoon din ang nakita ko sa Para kay B.

Ang nobela ay kalipunan ng limang istorya ng pag- ibig. Ayon na mismo sa pabalat pa lamang, sa limang taong iibig, isa lamang ang tunay na liligaya sa piling ng kanyang minamahal. Ang mga kuwento nina Irene, Sandra, Ester, Erica at Bessie ay mga kuwentong sumasapul sa halos lahat ng klase ng kuwentong pag-ibig. Tagos ang mga linya, tagpuan kahit na rin ang mga simpleng katotohanan hinggil sa mga pananaw ng tao sa pag-ibig. Dito makikita ang pagka- henyo ni Ricky Lee. Nagagawa niyang buhay ang mga karakter kahit na absurdo ang ilang tagpuan at pangyayari (katulad na lamang ng kuwento ni Erica). Pinaiisip ka rin niya sa pamamagitan ng paglalahad ng ilang mga kontradiksyon at pagpapaubaya sa mambabasa ng desisyon kung alin ang paniniwalaan, katulad na lamang ng sinabi ng isang karakter sa huli na wala naman talagang quota- quota sa pag-ibig subalit kung titingnang maigi ang kabuuan ng nobela, sa limang kuwento ng mga babae, isa nga lang talaga ang tunay na lumigaya.

Ang pagtatagni- tagni ng mga istorya ay nakakapagpanatili ng atensyon, kaya hindi mo talaga titigilan ang pagbabasa. Animo walang kinalaman subalit sa isang klimatikong bahagi ay bubuhos na lamang ng sabay- sabay ang mga naipong ideyang inilahad sa mga kuwento. Nakakatuwa rin ang tila pagsagot na rin ng awtor sa pamamagitan ng mga mismong karakter ng mga tanong, na maaaring pilosopo o maiisip sa kalagitnaan ng nobela. Katulad na lamang ng isang karakter na nagrereklamo sa kanyang istorya, linya at ending.

Lutang na lutang rin ang mga isyung pulitikal at kultural na nais ipaintindi ng awtor - na hindi maaaring ilayo ang mga kuwento ng pag-ibig patungo sa mga lugar na komportable, maglaman ng mga karakter na halos diyos at diyosa sa itsura o kaya ay magkaroon ng hindi mapipigilang happy ending kahit na nagkandaletse- letse na ang lahat. Ang mga imahe ng mga protesta, pampulitikang pamamaslang, kahirapan, gender inequality ay makikita lahat sa nobela.

Sa huli, ang mga kuwento ay hindi mapang-husga. Bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong isipin pagkatapos ninyong mabasa ang nobela. Sapagkat hindi lamang para kay B ang istorya kundi pati na rin kina C, D, E hanggang Z pabalik kay A - at sa lahat ng naniniwala sa happy ending, na sila'y isang Capital S at salitang pag- ibig.

Issues and Politics: Repacked

Mud Wars: Attack of the Killer Clone




Yugi Cards



DADGDAGAN KO PA PO ITO KAYA STAY TUNED FOR UPDATES... HAHAHAHA!


P.S. pedeng idistribute, acknowledge niyo lang kung saan nakuha okay? thanks!

Tula ng Wala Pang Tulog

Limbo

5:55 ng umaga
Limang minuto bago mag- ala sais
subalit ang tulog ay tila anino sa katanghalian.

Sinubukang ipikit ang mata
ngunit ang mga pares ng talukap
ay tila nagtatampo sa isa't isa
at nagtatagpo lamang ng panaka- naka.

Pagal na ang mga buto,
kasu- kasuhan, balun- balunan at atay
pero bakit kay ilap ng inaasam?
ang ginhawang hatid ng pansamantalang
pagtatago sa alpombra ng kawalang- malay?

Hay, tulog...
Sunduin mo na ako.
Ihabol mo sa akin ang paglimot
na hatid dapat ng gabi.
At habang inaantay kita
hayaan mong sumulat ako
ng walang kapararakan,
tungkol sa aking paghihintay
at sa matamis nating pagkikita...

produkto ng antok na diwa... pagpasensyahan na kung hindi man lang tumakam ng inyong panlasa.